16/09/2026
𝐒𝐚𝐛𝐚𝐲-𝐬𝐚𝐛𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐩𝐚𝐠𝐥𝐢𝐥𝐢𝐧𝐢𝐬 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐛𝐚𝐫𝐚𝐧𝐠𝐚𝐲, 𝐩𝐚𝐚𝐫𝐚𝐥𝐚𝐧, 𝐤𝐚𝐬𝐚𝐝𝐨 𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝐇𝐮𝐰𝐞𝐛𝐞𝐬
(Legazpi City, September 15, 2026) Inanunsyo ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal ang isasagawang simultaneous clean-up drive sa buong lalawigan sa Huwebes, ika-17 ng Setyembre.
Ang nasabing clean-up drive ay gagawin sa mga paaralan at 720 barangays sa buong lalawigan bilang bahagi ng hakbang upang mapuksa ang dengue breeding sites o ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok.
Ito ay base na rin sa naging rekomendasyon ng Provincial Incident Management Team (IMT) kasunod ng kapansin-pansing pagtaas ng kaso ng dengue mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon kumpara sa kaparehong panahon taong 2025.
Ayon sa gobernador, mainam pa ring hakbang sa pagpapababa ng kaso ng naturang vector-borne disease ang paglilinis upang masira ang pinamumugaran ng mga adult mosquito o Aedes aegypti na siyang nagdadala ng sakit na dengue.
Hinikayat rin ni Rosal ang mga Department of Education (DepEd) schools maging ang mga Higher Education Institutions (HEIs) na makiisa sa aktibidad dahil ang mga paaralan ang isa sa itinuturing na Hotspot areas o high-risk locations ng mosquito breeding.
Kaugnay ng nasabing aktibidad ay nauna nang sinuspinde sa lalawigan ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya hanggang sekondarya hanggang sa araw ng Biyernes, ika-18 ng Setyembre.
CMDacoro, Albay PIO