10/05/2026
PROTEKSYON SA PAKYAWAN WORKERS,
Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang magbibigay ng mas malinaw na proteksyon sa sahod ng mga “pakyawan workers” o mga manggagawang binabayaran batay sa dami ng natatapos na trabaho.
Kabilang si Cayetano sa mga lumagda sa Senate Bill No. 82 o “Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act” na inakda ni Senator Raffy Tulfo.
Layunin umano ng panukala na matiyak na hindi bababa sa umiiral na minimum wage ang matatanggap ng mga pakyawan workers kahit output-based ang kanilang sistema ng bayad.
Ayon kay Cayetano, dapat umanong maprotektahan ang dignidad ng mga manggagawa at mabigyan sila ng patas na oportunidad para umasenso.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga employer na tiyaking sumusunod sa minimum wage law ang pasahod sa mga pakyawan workers alinsunod sa Republic Act No. 6727.
Ipinag-uutos din dito ang pagsasagawa ng Time and Motion Study bago magpatupad o magbago ng piece-rate system upang matiyak na tama ang batayan ng bayad sa manggagawa.
Kailangan ding magsumite ng aplikasyon ang employer, manggagawa o unyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board para sa pagbuo ng opisyal na Piece-Rate Orders.
Nakasaad din sa panukala ang dalawang random inspection kada taon upang mabantayan ang aktuwal na kondisyon ng mga manggagawa at matiyak ang pagsunod sa labor standards.
May nakalaan ding parusa laban sa mga employer na mapatutunayang nang-aabuso, kabilang ang underpayment at hindi pagbibigay ng benepisyo.
Giit pa ni Cayetano, hindi sapat ang maliit na dagdag-sahod lamang at kailangan ng mas matapang na hakbang upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga manggagawang Pilipino.