05/09/2026
OPISYAL NA PAGLILINAW
Masikan Invitational Cup 2026 – Season 1
Nais naming magbigay ng malinaw na pahayag kaugnay ng naging delay sa pagbibigay ng Champion Prize sa Camp Zepia.
Una sa lahat, nais naming ipaalam at linawin na ang Champion Prize ng Camp Zepia ay ganap nang nabayaran.
Hindi namin itinatanggi na nagkaroon ng delay sa pagbibigay ng kanilang premyo. Naipaliwanag na rin namin mismo sa Camp Zepia ang dahilan ng naging pagkaantala.
Ang pangunahing dahilan nito ay ang hindi inaasahang pag-backout at hindi pagtupad ng isang sponsor sa kanilang obligasyon sa Masikan Invitational Cup. Dahil dito, naapektuhan ang ilang nakalaan na pondo para sa event, kabilang ang Champion Prize at iba pang bayarin.
Gayunpaman, nais naming linawin na hindi kailanman naging intensyon ng Masikan Organization na takasan o baliwalain ang aming mga obligasyon.
Sa kabila ng naging problema, ang buong team ay gumawa ng paraan upang makahanap ng solusyon. Patuloy naming inayos ang mga naging obligasyon ng liga hanggang sa tuluyang mabigyan at mabayaran ang Champion Prize ng Camp Zepia.
Tungkol sa mga Premyo at Staff
Nais din naming linawin na wala kaming pending na obligasyon sa aming 1st Place at 2nd Place winners.
Wala rin kaming hindi nabayarang sahod sa aming mga on-call staff at utility personnel, taliwas sa ilang impormasyong kumakalat.
Tungkol sa Pentraprism
Ang Pentraprism ang naging live provider ng Masikan Invitational Cup. Ang aming pangunahing kontrata na nagkakahalaga ng ₱500,000 ay nabayaran nang buo bago matapos ang Masikan.
Ang naging natitirang usapin ay may kaugnayan sa mga additional services at upgrades na idinagdag sa event, kabilang ang ilang live streaming requirements at coverage, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱91,000.
Hindi namin itinatanggi ang usaping ito. Patuloy ang aming pag-uusap upang maayos ang natitirang concern, kabilang ang mga kinakailangang dokumento at official receipt para sa maayos na proseso ng pagbabayad.
Tungkol sa Lights and Sound
Mayroon ding natitirang balance na may kaugnayan sa mga karagdagang upgrades sa event, kabilang ang LED wall at iba pang requirements na idinagdag habang nagpapatuloy ang liga.
Nais naming idiin na nakapagbigay na kami ng mga bayad para sa kanilang serbisyo, at ang natitirang balance ay bahagi ng mga napag-uusapan at inaayos.
Ang aming pangunahing kausap sa usaping ito ay ang main contractor. Ito rin ang naging malinaw na instruction sa amin—na ang anumang concerns at usapin sa kontrata ay direktang idadaan sa main contractor at hindi sa mga subcontractors.
Patuloy naman ang aming maayos na pakikipag-coordinate at pagtupad sa aming mga napagkasunduan.
Sa mga Kumakalat na Pahayag
Nauunawaan namin na maraming nagtatanong at nais malaman ang tunay na nangyari. Karapatan ng bawat isa na magtanong at humingi ng paliwanag.
Ngunit umaasa kami na bago gumamit ng mga salitang tulad ng “scam,” “perwisyo,” at iba pang mabibigat na akusasyon, sana ay alamin muna ang buong sitwasyon at bigyan ng pagkakataon ang lahat ng involved na maipaliwanag ang kanilang panig.
Hindi lahat ng delay o problema ay nangangahulugan na may intensyong manloko o umiwas sa obligasyon.
Sa aming kaso, nagkaroon ng delay at problema sa pondo, ngunit hindi namin ito itinanggi at hindi namin ito tinakbuhan. Sa halip, gumawa kami ng paraan upang maayos ang sitwasyon, at bilang malinaw na patunay nito, ganap nang nabayaran ang Champion Prize ng Camp Zepia.
Sa mga indibidwal na nagbibigay ng komento, kabilang na ang ilang may malaking impluwensya sa publiko, sana ay maging maingat tayo sa mga pahayag na inilalabas. Kung may concern o nais malaman, mas makabubuting hingin muna ang panig ng lahat ng involved upang maging balanse ang impormasyon.
Sa mga vloggers at content creators, hinihiling din namin ang pagiging responsable sa paggawa ng content. Ang paggawa ng kuwento, paghype ng isang isyu, o pagbibigay ng konklusyon nang walang sapat na ebidensya at hindi naririnig ang kabilang panig ay maaaring makasira sa pangalan ng mga taong involved.
Para naman sa mga indibidwal na patuloy na gumagamit ng personal, below-the-belt, at mapanirang pahayag, lalo na kung may mga akusasyong walang sapat na basehan, aming ipinapaalam na handa naming tugunan ang mga ito sa naaayon at legal na paraan, kung kinakailangan.
Panghuli
Ang pahayag na ito ay ginawa hindi para makipag-away o makipagsagutan sa social media, kundi upang maibigay ang malinaw na panig ng Masikan Invitational Cup 2026 – Season 1 Organization.
Inaamin namin na nagkaroon ng delay. Hindi namin ito pinagkakaila. Ngunit hindi rin namin tinalikuran ang aming mga obligasyon.
Gumawa kami ng paraan upang malutas ang problema, at ang Champion Prize ng Camp Zepia ay ganap nang nabayaran.
Patuloy rin naming inaayos ang anumang natitirang concerns sa maayos at tamang paraan.
Umaasa kami na sa anumang isyu, bago humusga, bigyan natin ng pagkakataon ang bawat panig na marinig at maipaliwanag ang kanilang bahagi.
Muli, ito ay paglilinaw lamang mula sa aming panig.
Maraming salamat sa inyong pag-unawa.
— MASIKAN INVITATIONAL CUP 2026 – SEASON 1 ORGANIZATION. 🔥🏀